One Shots

Triche

Isang gabi, napagpasyahan ko na pumunta sa mundo ng mga mortal—Siyudad ng Ziyana, upang pagmasdan ang isang kapana-panabik na pagtatagpo na kung saan malaking papel ang aking ginampanan.

“Pinagtataksilan mo ba ako?!”

“Hindi ko magagawa ‘yun sa’yo!”

“Sinasabi mo ba na nagsi-sinungaling lang ako?!”

“Mahal, wala akong sinasabing ganun–”

“Pero ‘yun ang gusto mong iparating! Mas makakabuti siguro kung maghiwalay na lang tayo!”

Napangiti ako sa naririnig ko. Nagagalak ako sa tuwing nagtatalo ang mga mortal katulad ngayon. Hindi masukat ang kasiyahang aking nadarama at tila ako’y lumilipad sa pinakarurok ng Bundok Olympus kasama ang mga ulap.

“Mahal pakiusap, pakinggan mo ako!”

“Wala na tayong dapat pag-usapan pa!”

“Hindi ko sinasadyang pagtaksilan ka!”

Napangisi ako sa narinig ko. “Hangal,” bulong ko.

Napatawa ako ng mahina. Nakakatuwa naman na marinig na hindi niya pala sinasadya na pagtaksilan ang kanyang asawa. Bumaba ako mula sa sanga ng puno na inuupuan ko na malapit sa tahanan ng mag-asawa. O mas magandang sabihin na ang dating mag-asawa. Nakita ko na umalis ang babae na asawa ng lalaking pinaglaruan ko gamit ang aking kapangyarihan. Napaluhod ang lalaki habang umiiyak at paulit-paulit na humihingi ng tawad sa kanyang dating asawa na unti-unti nang naglalaho sa aming paningin.

Blangko ang aking ekspresyon habang nakatingin sa lalaki. At nang dahil dito, ako’y muling napaisip sa katangian at pag-uugali ng isang mortal. Bakit kaya mabilis maimpluwensiyahan naming mga diyos at dyosa ang pag-iisip ng mga mortal? Dahil ba sa makapangyarihan kami? Dahil ba sa marami silang kahinaang tinataglay? Dahil ba sa mortal sila at likas na sa kanila ang makagawa ng mali?

“Kasalanan mo ang lahat ng ito!”

Natauhan ako nung marinig ko ang boses ng lalaki at tinignan ko ito ng walang emosyon. Masama ang kanyang tingin sakin at para bang anumang oras ay kayang-kaya niya akong patayin. Tumayo siya at sinugod ako at saka naman niya ako kinwelyuhan.

“Hindi ako magtataksil sa aking asawa kung hindi mo ako pinaglaruan!” sigaw niya, “Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa’yo!” Nanlilisik ang kanyang mata habang sinasabi ang mga iyan.

Hindi na ako nagulat sa kanyang ginawa dahil sanay na ako sa ganitong pangyayari. Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses na akong nasabihan ng mga katagang iyon na kung tutuusin ay natutuwa ako sa tuwing naririnig ko ang mga iyon.

Marahas kong inalis ang kamay ng lalaki at tinignan ko siya ng deretso sa mata. “Sisihin mo ako hangga’t gusto mo. Ngunit sa tingin mo, may magbabago ba? Nangyari na ang dapat mangyari at wala ka nang magagawa pa,” ngumisi ako. “Hindi ito mangyayari kung hindi ka nagpaapekto sa akin at kung mahal mo talaga ang iyong asawa. Hindi rin naman ako lalapit sa’yo kung mahirap kang kontrolin, hindi ba?”

Lumapit ako sa kanya at binulungan siya sa tenga, “Sa susunod, mag-ingat kayong mga mortal sa katulad ko dahil wala akong magandang maidudulot sa inyong mga walang kwentang buhay.” Lumayo ako sa kanya at saka siya nginitian, “Sana’y muli tayong magkita, mortal. At sa oras na magkita tayong muli, asahan mo na mas malala pa dito ang aking gagawin.” At ako’y naglaho na sa kanyang paningin.

~•~

Ako si Triche—ang diyosa ng pagkukunwari. Ang aking ina ay si Nyx—ang dyosa ng gabi at ang aking ama naman ay si Erebos—ang diyos ng dilim. Mayroon akong isang nakakatandang kapatid at siya si Eris—ang dyosa ng kasiraan. Kasama ang aking magulang at kapatid, ang tirahan ko ay ang Tartarus.

Bata pa lamang ako, hilig ko na ang pumunta sa mundo ng mga mortal at doon ko ginagawa ang aking panlilinlang. Nagagalak ako sa tuwing nakikita ko ang mga mortal na niloloko at nililinlang ang isa’t-isa. Madalas ko rin gamitin ang aking kapangyarihan upang turuan ang mga mortal na magsinungaling at maging masama. Ginagamit ko ang mga kahinaan ng mga mortal upang mapasunod ko sa kanila sa akin at kayang-kaya ko rin na impluwensiyahan ang pag-iisip ng isang tao na naaayon sa aking kagustuhan.

Lumalalim na ang gabi kung kaya’t wala nang mga tao sa labas ng kanilang mga tahanan. Napagpasyahan ko na maglakad-lakad pansamantala sa gubat. Habang ako’y naglalakad, nakarinig ako ng kaluskos sa aking likuran. Nilingon ko ito ngunit wala akong nakitang kahit ano. Tanging mga damo lamang at puno ang nandoon. Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad ngunit mas alerto na ako ngayon at pinapakiramdaman ko na rin ang aking paligid. Nakarinig muli ako ng kaluskos at sa pagkakataong ito, may hinala na ako kung sino iyon. Huminga ako ng malalim at tinawag ang kanyang pangalan.

“Warren.”

Nilingon ko siya at ang una kong napansin ay ang kanyang mapupulang mga mata. Si Warren ay isang hellhound. Hindi pangkaraniwan ang kanyang laki kung ikukumpara sa iba pang hellhound. Siya ay halos kasinglaki na ng isang tangke ng tubig. Ang mga hellhound ay madalas mapagkamalang aso ng mga mortal at sa tuwing nangyayari ito, kaagad nila itong sinusugod. Kung hindi man nila ito papatayin, dadalhin nila ang kaluluwa ng mortal sa Underworld.

Inilahad ko ang aking kamay at lumapit sa akin si Warren. Siya ay humiga at hinayaan niya ako na haplusin ang kanyang makapal at maitim na balahibo. Si Warren ang palagi kong kasama sa tuwing pupunta ako sa mundo ng mga mortal kahit noong bata pa lamang ako. Bukod sa akin, ang aking ina lamang ang tanging sinusunod niya. Ibinigay siya sa akin ng aking ina upang bantayan ako at ang mga kilos ko. At dahil ditto, mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit nagpakita sa akin si Warren.

“Pinapatawag na naman ba ako, Warren?” tanong ko sa kanya.

Kumahol siya ng pagkalakas-lakas bilang sagot. Batid ko na ang kanyang kahol ay may kakayahang gisingin ang lahat ng mortal sa bayang ito ngunit hindi ito mangyayari dahil sa salamangka na bumabalot sa mga higit sa karaniwang tulad niya. Nang dahil sa salamangkang ito, imposible siyang makita o marinig ng mga mortal. Pwera na lamang kung gugustuhin niya na magpakita sa mga ito. Umangkas ako sa kanyang likuran at gamit ang kanyang kapangyarihan, ay nakarating agad kami sa Tartarus, isang lugar sa Underworld kung saan ako naninirahan.

Natanaw ko ang aking ina’t kapatid malapit sa Ilog ng Lethe. Nilapitan ko ang aking ina.

“Pinatawag niyo daw po ako, ina?” tanong ko sa kanya. Tinignan niya ako at sinabing, “Nakarating sa akin ang impormasyon na may ginawa ka na namang kalokohan, Triche?”

Inismaran ko siya. Heto na naman tayo.

“Hindi pa ba kayo nasasanay sa akin? Para saan pa’t nagkaroon ako ng ganitong kapangyarihan kung hindi ko rin magagamit, hindi ba?” Nayayamot ako sa tuwing kinukuwestiyon niya ang aking mga ginagawa. Hindi ba’t natural lamang sa isang diyosa ng pagkukunwari ang manlinlang ng mortal?

Bumuntong-hininga ang aking ina, “Batid ko naman iyon, Triche. Ang sakin lamang ay dahan-dahan ka sa paggamit ng iyong kapangyarihan.”

Lumapit sa amin si Eris, ang nakatatanda kong kapatid. “Ina, hayaan niyo na si Triche. Alam na niya kung ano ang kanyang ginagawa. Isa pa, kailangan matuto ang mga mortal. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Triche, malalaman nila ang kahalagahan ng mga bagay-bagay sa kanilang buhay,” nginitian ako ni Eris at nginitian ko rin siya.

Muling bumuntong-hininga ang aking ina at tumayo, “Parehong-pareho talaga kayong magkapatid.” At saka siya umalis.

Nagkatinginan kami ni Eris at saka tumawa. “Hindi ko inaasahan na mapapasunod mo ang lalaking iyon, Triche. Sa pagkakaalam ko, mahal niyang tunay ang kanyang asawa,” sambit ni Eris. “Madali lamang siyang mapaniwala na hindi niya talaga mahal ang kanyang asawa at nagtataksil siya dito, kahit ang totoo ay mahal na mahal niya ito. Sadyang mahina lamang talaga ang kanyang loob.”

Naalala kong muli ang nangyari kanina at muling tumawa. Nakakatuwa talaga na masaksihan ang ganoong pangyayari. “Hayaan mo na lamang si ina, hindi niya nauunawaan ang ating intensyon.”

Tinignan ko si Eris at ngumisi ako, “Kanino pa ba ako magma-mana kung hindi sa’yo, hindi ba?” at tumawa kaming dalawa. Mula sa aming kinatatayuan, natanaw ko ang isang tao na gusto kong kilalanin ng husto. Pinagmasdan ko siya na nakaupo at nagtatapon ng bato sa Ilog Styx.

“Pinagmamasdan mo na naman siya, Triche,” sabi ni Eris.

“Hindi ko maiwasan, Eris. Ngayon lang ako nakakilala ng isang katulad niya at gusto ko siyang makilala pa,” sagot ko habang tinitignan pa rin si Nico. Si Nico ay isang demigod na nasa labing-pitong taong gulang pa lamang. Anak siya ni Hades at ng isang babaeng mortal. Lubhang kataka-taka ang kanyang pag-uugali at gusto ko siyang makilala ng husto.

“Hindi ba’t pinagbawalan ka ni ina na lumapit sa kanya?” tanong ni Eris.

Bumuntong-hininga ako, “Hindi ko na kailangan pang lumapit sa kanya dahil siya mismo ang lalapit sa akin.”

Kumunot ang kanyang noo. “Anong ibig mong sabihin, Triche?” tanong niya at tinignan ko siya, “Malalaman mo din, Eris.”

~•~

Kinabukasan ng gabi, ako na ang kusang umuwi sa Tartarus dahil batid ko na anumang oras ay kakausapin ako ni Hades tungkol sa kanyang anak na si Nico. Umupo ako sa tabi ng Ilog Styx habang nag-hihintay kay Hades. Nakaramdam ako bigla ng awa kay Nico. Alam kaya niya ang balak gawin ng kanyang ama? Mukhang ang lihim niya pa mismo ang magpapahamak sa kanya.

“Triche.”

Nilingon ko si Hades at saka tumayo, “Hades.” Lumapit siya at ngumiti, “Tila inaasahan mo na ang aking pagdating.”

Umismid ako at tinignan ko siya ng seryoso, “Huwag ka nang magpaligoy-ligoy, Hades. Deretsahin mo ako.”

Nawala ang kanyang ngiti sa labi at sumeryoso ang kanyang mukha, “Alam kong batid mo ang lihim ng aking anak, Triche.”

Tinignan ko siya ng masama, “Hindi mo ba naintindihan noong sinabi kong deretsahin mo ako? Sabihin mo kung ano ang kailangan mo.”

Sumama ang kanyang tingin sa akin, “Hindi mo ba ako ginagalang?” tanong niya na parang na-insulto.

Ngumisi ako, “Pag-uusapan pa ba natin ang paggalang ko sa’yo, Hades? Wala akong pakialam kung ikaw ang diyos dito sa Mundong Ilalim kaya sabihin mo na kung ano ang kailangan mo sa akin.”

Batid ko ang pagkainis niya sa akin. Ganito ako sa lahat ng diyos at dyosa kaya alam ko na sanay na sila sa aking pag-uugali. Sumeryosong muli ang muka ni Hades, “Nais ko na baguhin mo ang paniniwala ng aking anak. Batid mo ang kanyang lihim kung kaya’t alam mo na kung ano ang aking tinutukoy, hindi ba?” Inasahan ko na na iyon ang sasabihin niya. Mukhang desperado na si Hades na baguhin si Nico.

“Ikaw ang ama niya, hindi ba? Bakit hindi ikaw ang kumausap sa kanya?” sambit ko.

“Hindi ako lalapit sa’yo kung kaya kong gawin iyon, hindi ba?” ngumisi siya. Alam kong iniinsulto niya ako. Sinasabi niya na kahit anumang mangyari, hinding-hindi niya hihingin ang aking tulong pwera lamang ngayon dahil desperado na siya.

Tinignan ko siya, “Kung gayon, hindi kita tutulungan.” Tinalikuran ko siya at naglakad palayo.

“Triche! Bumalik ka dito!” sigaw niya ngunit hindi ko siya nilingon. Ilang saglit pa ay bigla siyang lumitaw sa harapan ko.

“Kailangan mo akong tulungan, Triche. Ano ba ang nais mo kapalit ng tulong na ibibigay mo sa akin?” Kitang-kita sa kanyang mga mata ang determinasyon. Desperado na talaga siya.

Tinignan ko siya ng seryoso, “Ako ang magdedesisyon ng aking gagawin at hindi ikaw.” Nilagpasan ko siya at nagpatuloy sa paglalakad. Mabuti na lamang at hindi na niya ako inabala pa.

Ang lihim ni Nico. Ngayon lang ako nakakilala ng tao na nagkukunwari na umabot sa punto na pati ang kanyang sarili ay niloloko niya. Ganoon na lang ba ang takot niya na malaman ng iba ang katotohanan? Dahil ako ang dyosa ng pagkukunwari, may kakayahan ako na maramdaman ang lihim ng ibang tao. At sa sitwasyon ni Nico, kung hindi siya lubusang kilala ng isang tao, imposible na malaman ang kanyang lihim ukol sa kanyang tunay na pagkatao. Ang katotohanan na isa siyang silahis. Hindi niya ito matanggap kung kaya’t pati sarili niya ay nagagawa na rin niyang lokohin. Hindi ko mawari kung ako ba ay maaawa o matutuwa sa sitwasyon ni Nico. Maaawa dahil sa bigat ng suliranin na kinakaharap niya? O matutuwa dahil maaari ko siyang gamitin at mapaglaruan?

~•~

Napagpasyahan ko muli na maglakad-lakad sa gubat sa lugar ng mga mortal. Ilang minuto na rin akong naglalakad hanggang sa mapansin ko ang isang lalaki na nahihimbing sa paanan ng isang puno. Nilapitan ko siya at napansin ko na si Nico pala iyon. Mahimbing siyang natutulog na maihahalintulad sa isang anghel. Nakakatawa na tila isa siyang anghel ngunit anak siya ng diyos ng mga patay. Lumuhod ako at hinawakan ko ang braso niya upang gisingin siya ngunit biglang nagdilim ang paligid. Napatayo ako sa gulat dahil ngayon ko lang ito naranasan at wala akong ideya sa nangyayari. Nawala na rin si Nico sa aking paningin at hindi ko alam kung nasaan na siya ngayon.

Biglang nagbago ulit ang senaryo at ako ngayon ay nasa isang gubat na hindi ako pamilyar ngunit nasisiguro ko na ito ay isang gubat sa mundo ng mortal. Bilog ang buwan at napagpasyahan ko na lamang na lakarin ang gubat na ito at baka sakaling mabatid ko kung ano ang nangyayari. Hindi kaya panaganip ito ni Nico? Kung ganoon nga, bakit ako napunta rito? Samantalang wala naman akong kakayahan na makapasok sa panaginip ng iba. May ganoong kakayahan kaya si Nico? Kung mayroon nga, nararamdaman ko na sobrang lakas iyon. Naramdaman ko na biglang humina ang aking kapangyarihan sa sandaling napunta ako sa lugar na ito. Pagkatapos ng ilang minutong paglalakad, nakarating ako sa isang maliit na lawa. Sa kabilang dulo ng lawa, nakita ko ang isang lalaki’t babae na nakaupo sa damuhan at magkahawak-kamay na tila magkasintahan. Sa aking palagay, magkasing edad lamang sila ni Nico. Hindi ko masyadong maaninag ang kanilang mukha dahil madilim ang paligid at tanging buwan lamang ang nagsisilbing liwanag sa lugar na ito.

Lumingon ako sa kaliwang gilid ko at nagulat ako nang makita ko si Nico sa di-kalayuang puwesto. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang sakit habang pinagmamasdan ang magkasintahan. Kung ganoon, ang lalaking iyon ang nagusustuhan niya? Napatingin sa akin si Nico at nanlaki ang mata niya sa gulat. Muling dumilim ang paligid at sa isang iglap ay nakabalik na ako sa gubat kung saan ko nadatnan si Nico na nahihimbing. Biglang dumilat ang mga mata ni Nico at nang makita niya ako ay muling nanlaki ang kanyang mga mata at lumayo siya sa akin na parang takot na takot.

“T-Triche…” ramdam ko ang takot sa kanyang boses. Hindi ko mapigilan na matuwa sa kadahilanang nasisindak siya sa akin kahit wala pa naman akong ginagawa. “A-Anong ginagawa mo rito?” sabi niya habang nanginginig pa rin sa takot.

Tinignan ko siya, “Natatakot ka ba sa akin, Nico?” tanong ko sa kanya.

Iniwas niya ang kanyang tingin, “H-Hindi ba’t ikaw ang diyosa ng pagkukunwari? Kaya sigurado ako na alam mo na ang lihim ko, hindi ba?” nauutal niyang sagot.

Umayos ako ng upo at sumandal sa paanan ng puno.”Hindi mo kailangang matakot sa akin, Nico. Wala akong gagawing masama sa’yo.” Wala pa sa ngayon.

“Pasensya na Triche. Ngunit hindi ko magawang maniwala sa’yo.” Naging seryoso ang kanyang mukha at nawala na rin ang takot sa kanyang boses. Natawa ako sa naging sagot niya sa akin. Kumunot ang noo ni Nico nang napansin niyang tumawa ako. “Anong nakakatawa?” tanong niya.

Tumingin ako sa kanya at sinabing, “Parehong-pareho kayo ng ama mo, Nico.” saka muli akong tumawa.

“Ayaw niya, tama ba?” Napatigil ako sa pagtawa. Tila ba hindi iyon isang tanong kung hindi isang pahayag. Muli nakaramdam ako ng awa sa kanya. Nais niya na pahalagahan at matanggap siya ng kanyang ama. “Ayaw niya akong kilalanin bilang anak niya dahil isa akong silahis.” Tahimik lamang ako habang nagsasalita siya. Seryoso ang kanyang mukha at nababalutan ng lungkot at pangungulila ang kanyang boses.

Tumingin siya sa akin,”Batid ko ang nais niyang ipagawa sa’yo, Triche. Ang pinagtataka ko lang ay kung bakit hindi mo pa rin ito ginagawa. May pagkakataon ka na ngayon para baguhin ako.”

Bumuntong-hininga ako, “Ako ang magde-desisyon sa mga gagawin ko at hindi ang ibang tao.” Nagkaroon ng katahimikan at tanging mga kuliglig sa paligid ang maririnig. Nararamdaman ko na ang nais niyang mangyari at hindi ko alam kung gagawin ko iyon. Tumagal pa ang katahimikan ng ilang minuto hanggang sa hindi ko na nakayanan.

“Nico,” mahahalata sa aking boses ang pagkairita.

“A-Ano iyon?” nauutual niyang sagot. Muling nanumbalik ang takot niya sa akin.

Tinignan ko siya ng masama, “Wala ka bang sasabihin?” Napayuko siya, “A-Ano ang ibig mong sabihin?” bulong niya.

Umismid ako, “Mana ka talaga sa ama mo. Hilig niyo ang magpaligoy-ligoy,” sabi ko na may halong inis.

Tumayo ako at napatingin siya sa akin. Tinignan ko siya ng deretso sa mata, “Nais mo ba na baguhin kita?” Nag-isip siya sandali at sinabing, “O-Oo… Nais kong baguhin mo ako upang kilalanin na ako bilang anak ng aking ama.”

Bumuntong-hininga akong muli, “Iyan ba talaga ang gusto mo?” tanong ko sa kanya. Hindi siya nakasagot at abala siya sa pag-iwas ng kanyang tingin sa akin.

Umupo ako sa tabi niya at nilingon siya, “Hindi mo kailangang magbago para sa kanya, Nico.” Napansin ko na bahagya siyang nagulat sa aking tinuran. Kahit ako ay nagulat sa aking sinabi. Kailanman ay hindi ako nagsasabi ng ganitong mga salita sa ibang tao. Siguro dahil sa awa ko sa kanya kaya ko ito nasasabi.

Lumingon siya sa akin at saka ako nginitian, “Tunay ngang malakas ang epekto ng mga sinasabi mo, Triche. Nagagawa mo na akong paniwalain ngayon.”

Ngumisi ako, “Baka nakakalimutan mo kung sino ako, Nico. Bakit ka naman maniniwala sa isang katulad ko?” Kawili-wili ang ugali ng nilalang na ito. Ibang-iba sa mga demigods at mga mortal na nakilala ko.

“Hindi naman siguro masamang maniwala sa isang kasinungalingan na mas makakabuti, hindi ba?” Natawa ako sa sinabi niya, “Hindi naman ako nagsisinungaling sa sinabi ko.”

Tumawa rin siya, “Huwag ka mag-alala. Naniniwala ako sa’yo, Triche.” at saka niya ako nginitian.

“Ano nang gagawin mo ngayon?” tanong ko sa kanya. Tanggap na kaya niya ang tunay nyang pagkatao?

Nilingon niya ako, “Wala naman akong magagawa kung ayaw akong tanggapin ni ama.” sabi niya.

Bumuntong-hininga ako, “Mabuti naman at tanggap mo na sa sarili mo ang katotohanan.” sabi ko. Ngumiti siya, “Naisip ko kasi na sa hindi pagtanggap sa tunay kong pagkatao, ay parang niloloko ko na rin ang aking sarili. Kaya napagpasyahan ko na, tanggapin na lang ito at noong ginawa ko iyon, gumaan ang aking kalooban at hindi na rin ako nahihirapan. Hindi tulad noon.”

Unti-unti nang sumisikat ang araw at nagsisimula na rin na lumiwanag ang paligid. Tumayo na ako at nilingon ko si Nico, “Mauuna na ako, Nico.”

Tumayo na rin siya, “Aalis ka na?”

May lungkot sa kanyang boses at mga mata. Para bang takot na takot siyang maiwan. Nginitian ko siya, “Nais ko na pumunta sa ibang bayan upang maipamalas ang aking kapangyarihan. Hiling ko na sana maging masaya ka at mabawasan ang lungkot at pangungulilang iyong nararamdaman.”

“Kung ganoon, iiwan mo ako?” Hindi pa rin nawawala ang lungkot sa kanyang mga mata.

Tinapik ko ang kanyang balikat, “Huwag kang mag-alala, Nico. Ipinapangako ko na magkikita tayong muli.”

Sa wakas ay ngumiti na rin siya. “Pangako?” masaya niyang sabi.

Tumango ako, “Oo. Pangako.”

Muli ko siyang nginitian, “Hanggang sa muli, Nico.” at naglakad na ako palayo sa kanya.

Isang di inaasahang pagkakaibigan.

Isang pangakong binitiwan sa pagsikat ng haring araw.

Isang sandali na kailanma’y hindi malilimutan.

Advertisements

2 thoughts on “Triche

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s