Poems

Poem #13: 5 Dahilan Kung Bakit

Isa, dalawa, tatlo

May sasabihin ako

Apat, lima

Sana’y makinig ka

Siguro ngayon na ang tamang oras

Oras na ipagtapat ang pagmamahal kong wagas

Sana pakinggan mo ang boses ko

Dahil matapos ang tula na ito ako ay maglalaho

Dahil nais ko nang lumayo sa’yo

Sapagkat alam kong wala akong espasyo dyan sa puso mo

Kaya ano pang rason para ako’y manatili?

Kung ika’y wala naman sa aking tabi?

Mahal, sasabihin ko na

Aaminin ko na

At sana makinig kang mabuti sa aking mga sasabihin

Dahil ito na ang una’t huling beses mong maririnig mula sakin

Simulan natin sa unang dahilan, mahal

Bakit kaya ikaw pa ang aking minahal?

Simulan natin sa unang dahilan kung bakit ikaw

Kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako bumibitaw

Mahal, mahal kita dahil sa mga ngiti mo

Mga ngiting laging nagpapasaya sa akin sa tuwing ako’y nalulumbay

Sa tuwing pakiramdam ko na ako ay nag-iisa at walang karamay

Mga ngiting nagliligtas sa akin sa madilim kong nakaraan

Isang nakaraan na nais ko nang malimutan

Patawad kung nagalit ako noong nalaman mo

Sapagkat ayoko lamang na ako’y husgahan mo

Ngunit salamat sa mga ngiti na ipinapakita mo

Dahil nagawa ako nitong iligtas sa isang madilim at malupit na mundo

Mahal, mahal kita dahil masaya akong kasama ka

Mga kilos mo na nagpaparamdam sakin na ako ay mahalaga

Mga salitang naghahatid sa akin ng pakiramdam na ayaw mo akong mawala

Lubos mo akong pinasaya, mahal

Dahil kahit ilang sandali lang, naramdaman kong ako ay iyong mahal

Ngunit hindi naman, ‘di ba?

Sadyang ako lang ‘tong si tanga na nagpapadala

‘Wag kang mag-aalala. Dahil hindi mo naman ito kasalanan

Ngunit sana’y ‘wag mong gawin ang mga bagay na kung saan ako ay masasaktan

Mahal, mahal kita dahil tinanggap mo ako

Tinanggap mo ako at ang buong pagkatao ko

Na kahit sirang-sira na ako ay tinanggap mo pa rin ako

Hindi mo ako inalipusta, hinusgahan at tinalikuran

Sa halip ay ngumiti ka, hinawakan ang kamay ko at saka mo sinabing, “Kaibigan kita. Kaya tatanggapin ko, ano man ang iyong naging nakaraan.”

Kaibigan

Nang sabihin mo ang salitang ito

Ito lang ang paulit-ulit kong naririnig sa isipan ko

Kaibigan. Kaibigan. Kaibigan

Ikaw pa ba ay aking kaibigan?

Nang sabihin mo ang salitang ito

Paulit-ulit ko ring tinatanong ang sarili ko

Kaibigan pa ba ang turing ko sa’yo?

O baka naman naghahangad pa pala ako ng mas malalim na relasyon bukod dito?

Sinubukan kong pigilan

Sinubukan kong hadlangan

Ngunit hindi ko na ito nagawan ng paraan

Dahil masyado na palang malalim ang aking binagsakan

Mahal kita dahil sa mga titig mo

Mga titig mong habang tumatagal ako ay natutunaw

Na siyang nagiging dahilan para ako’y kumapit at huwag bumitaw

Ang mga titig mo na laging nagsasabi na, “Mahalaga ka.”

Ngunit alam kong hindi mo ako pinapahalagan gaya ng aking inaakala

Hanggang doon na lang ba talaga ang kaya mo?

Kung sabagay. Dahil siya naman kasi ang mahal mo

Hindi ako. Hindi naging ako at hindi magiging ako

Dahil siya lang ang mahal, minahal at mamahalin mo

Ito na, mahal

Tatapusin ko ang tulang ito sa pinakahuling dahilan, mahal

Pinakahuling dahilan kung bakit kita mahal

Hindi, pala. Dahil ito na ang pinakahuling dahilan kung bakit kita minahal

Oo. Minahal

Dahil matapos ang tulang ito ay bibitawan na kita

Lilimutin ang lahat-lahat ng alaala nating dalawa

Nang sa ganun ay maging malaya na ako sa’yo

Sa pag-iilusyon ko na balang araw ay magiging tayo

Minahal kita dahil iyon ang naramdaman ko

Hindi ko alam kung bakit, paano, kailan

Sapagkat bigla ko na lamang itong naramdaman

Ngunit alam kong wala din itong patutunguhan

Dahil simula pa lang, ako ay isa lamang kaibigan

At ngayon, oras na para ako’y lumayo’t iwanan ka

Sapagkat alam kong kailanma’y hindi ako magiging kuntento sa relasyon nating dalawa

Kaya mas mabuti pang kalimutan mo na din ako

Dahil mayroon namang “siya” na andyan lang sa tabi mo na mahal ka at mahal mo

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s