Poems

Poem #18: Tanda mo pa ba?

Naaalala mo pa ba, mahal?

Kung paano ka lumuhod sa harapan ko?

Kung paano mo hinarap ang mga magulang ko?

Kung paano mo sinabing, “Maaari ko po bang hingin ang kamay ng inyong anak?”

Kung paano ako lumuha sa tuwa at niyakap kita sa sobrang pagkasabik?

Tanda mo pa ba, mahal?

Kung paano mo isinuot sa aking palasinsingan ang tanda ng iyong pagmamahal at mga pangako?

Kung paano natin pag-usapan ang kinabukasan nating dalawa at ang pangako na walang susuko?

Kung paano tayo nangako sa isa’t-isa, sa harap ng Panginoon?

Na tayo ay magsasama, sa paglipas ng mga taon?

Natatandaan mo ba kung paano mo ako pinagmasdan habang palapit sa’yo?

Kung paano ka napaiyak nang ako’y makita mo?

Habang tumutugtog ang awitin nating dalawa

Habang suot-suot ko ang isang traje de boda

Tanda mo ba iyon, mahal?

Ako, tandang-tanda ko ang lahat

Tanda mo pa ba ang unang gabi natin bilang mag-asawa?

Kung paano mo inalis ang aking mga pangamba, at ako’y iyong inunawa?

Kung paano ang iyong mga halik, yakap at mararahan mong haplos ay sa aki’y lubos na nakapag-pasaya?

Kung paano tayo naging iisa at kung paano mo paulit-ulit sabihin ang mga salitang “mahal na mahal kita?”

Tanda mo pa ba ang lahat ng iyan, mahal?

Natatandaan mo pa ba kung paano nagbunga ang pagmamahalan nating dalawa?

Napatalon ka sa sobrang saya at muli, ikaw ay lumuha sa sobrang tuwa

Tanda mo pa ba kung gaano ka naging pasensyoso sa akin habang ako’y nagbubuntis?

Kung paano mo ako yakapin at hagkan sa tuwing ako’y naiinis?

Nataandaan mo pa kaya ang araw ng pagdating ng isang munting anghel sa ating buhay?

Kung paano mo mahigpit na hinawakan ang aking mga kamay?

Kung paano ka muling napaluha, sa sobrang saya nang mahawakan mo ang ating anak?

Kung paano mo hinalikan ang kanyang noo at kasabay nito ay ang pagtigil ng kanyang pag-iyak?

Natatandaan mo ba kung paano mo siya inalagaan?

Kung paano mo siya patulugin sa gabi habang siya’y iyong kinakantahan?

Kung paano mo kami pagmasdan na mistulang wala ka nang ibang mahihiling pa?

Na mistulang kaming dalawa ng iyong anak ay sapat na

Ngunit kami nga ba ay sapat na para sa’yo?

O pinag-loloko mo lang ako?

Ito ba, mahal? Natatandaan mo pa kaya?

Natatandaan mo ba kung paano mo ako—kami sinira?

Kung hindi, sige. Ipapaalala ko sa’yo lahat

Dahil baka sakaling ikaw ay mamulat

At nang maalala mo kung paano mo sinira ang ating pamilya kasama ng mga pangarap

Kung paano ang isang kasinungalingan ang dahilan ng ating pagka-wasak sa isang iglap

Simula natin sa umpisa, mahal

Sa paglipas ng mga taon na tayo ay magkasama

Ang iyong panlalamig ay unti-unti ko nang nadarama

Hindi ko alam ang rason kung bakit

Dahil ang tangi ko lang nararamdaman ay purong sakit

Tanda mo ba, mahal?

Kung paano mo ‘siya’ nilapitan?

Kung paano mo ‘siya’ hinalikan?

Kung paano mo ‘siya’ yakapin ng pagkahigpit-higpit?

Na siyang nagdulot sa akin ng matinding sakit?

Mahal, natatandaan mo ba kung paano mo ako pinagtaksilan?

Natatandaan mo ba kung gaano kayo kadalas magkita sa inyong tagpuan?

Kung paano kayo pumunta sa isang mapanuksong lugar, na walang ibang nakakaalam?

Natatandaan mo ba kung ilang kasinungalingan ang iyong sinabi, manatili lamang ang iyong lihim?

Alam na alam ko, mahal

Natatandaan mo ba kung paano mo siya hinalikan?

Natatandaan mo ba kung paano mo siya hinawakan?

Kung gaano kalakas ang inyong mga daing habang gumagawa ng kasalanan?

Kung paano mo nagagawang ngitian ako, gayong ako’y iyong pinagtataksilan?

Ngunit, bakit nga ba, mahal?

Ako ba ay talagang iyong mahal?

Dahil kung ako ay mahal mo

Hinding-hindi mo magagawang saktan ako

Ngunit anong nangyari?

Wala

Sinaktan at niloko mo ako—kaming pamilya mo

Alam mo bang hanggang ngayon umaasa pa rin ako?

Umaasa na baka sakaling umamin ka, sabihin ang totoo, humingi ng tawad at balikan kami

Ngunit nagpapaka-tanga na lang siguro ako sapagkat alam ko na hindi na maibabalik ang dati

Kaya lang mahal, may ipapakiusap lang sana ako sa’yo

Huwag ka mag-alala dahil madali lang naman ito

Pakiusap ko na sana, huwag mo akong iwan

Huwag mo sana kaming iwanan

Alam ko na wala nang pag-asa ang relasyon nating dalawa

Sapagkat tayong dalawa ay sirang-sira na

Ginagawa ko lamang ito para sa anak ko, sa pamilya ko

Huwag ka ring mag-alala dahil hahayaan kita sa gusto mo

Oo, mahal pa rin kita kahit ginago mo ako

Ngunit hindi na ako aasang muli sa’yo

Sapagkat alam ko, na sa huli ako ay matatalo sa ating dalawa, mahal

Dahil sa pagitan nating dalawa, ako ang mas nagmahal

Siguro nga, “martyr” ang dapat na itawag sa akin

Sapagkat patuloy ko pa ring minamahal ang taong nanakit sa akin

Kaya mahal, sana huwag mo akong tuluyang iwanan ng mag-isa

Dahil patuloy pa rin akong lumalaban kahit na matagal ka nang bumitaw sa ating dalawa

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s