Short Stories · Unsent Letters (Her)

First

Dear Adrian,

Natatandaan ko pa noong una kitang nakita sa may likod ng school. Nakahiga ka sa ilalim ng malaking puno habang natutulog. Doon ako palaging nakapwesto tuwing free time kaya nagtaka ako nang abutan kitang nandoon. Ang peaceful mong tignan nun. Nakakatuwa ka ngang panoorin, e. Parang napaka-carefree mong tao. ‘Yung bang parang walang problema sa buhay. At dahil ayoko namang istorbohin ka, umalis na ‘ko sa lugar na ‘yon. Pero sino bang mag-aakala na malaki pala ang magiging papel mo sa buhay ko.

Kakatapos lang ng midterms nang simulan mo ‘kong kausapin. Nagulat pa ‘ko noong una kasi hindi naman ako lapitin na tao. Snob ako, mataray, tahimik, parang lagi kong pasan ang buong mundo dahil lagi akong nakasimangot at walang kahit anong emosyon ang makikita sa mukha ko. In short, introvert. Mataray man ang tingin sakin ng ibang tao, pero para sakin normal lang.

Ikaw lang ang nagtangkang lapitan ako at makipagkaibigan kaya sobrang nagtataka ako. Ikaw lang din ang unang nakatagal sa ugali ko. Sabi mo kasi, gusto mong makipagkaibigan sakin. Noong una, nawe-weirduhan pa ‘ko sa’yo. Ang kulit mo kasi. Tinataboy na nga kita pero wala kang pakialam. Pero na-realize ko rin na wala namang masama kung magiging kaibigan kita. Natutuwa ako sa’yo dahil naiintindihan mo ‘ko. O mas okay yatang sabihin na gusto mo akong intindihin? Kung sino ako at bakit ganito ako. Siguro kaya magaan ang loob ko sa’yo kasi iba ka. Hindi ka katulad ng ibang tao na sa umpisa lang magaling. Makikipagkilala tapos makikipagkaibigan. At kapag nakakita na sila ng ugali na ayaw nila, lalayuan agad. Iiwasan. Hanggang sa parang walang ikaw na dumating sa buhay nila. Parang hangin lang na dumaan tapos wala na. Hindi ka na niya kilala. Sila ‘yung mga taong magtatangkang pumasok sa buhay mo at sa oras na ayaw na nila, aalis agad. Walang paalam. Walang pasabi. Hindi man lang nila inalam ang dahilan ng ugaling ‘yon.

Pero hindi ka ganun. Hindi ka katulad nila. Hindi ka nang-husga. Hindi mo ‘ko hinusgahan. Hindi ka umalis katulad nila. Siguro ‘yun nga ang dahilan kung bakit kita hinayaang makapasok sa buhay ko kasi pinatunayan mo na iba ka sa kanila. Hindi kasi ako nagpapapasok ng kung sino-sino sa buhay ko. Ang swerte ko pa nga dahil nakilala kita kasi nagkaroon ako ng totoong kaibigan.

Lumipas ang ilang linggo at naging mas close pa tayong dalawa. Masaya ka palang kasama. Nakakapagsabi na ‘ko sa’yo ng kung ano-ano. Mga sikreto, problema. Kahit anong tungkol sa buhay ko. At ganun ka rin sakin. Kahit na nagbabayangan at nag-aasaran tayo paminsan-minsan, kahit may mga away o tampuhan man, nagbabati rin naman tayo kaagad. Halos hindi na nga tayo mapag-hiwalay, e. Sa school, palagi tayong magkasama. Kapag sa bahay naman, lagi tayong magkausap sa text o ‘di kaya tumatawag ka. At dahil palagi tayong magkasama, madalas din tayong paulanan ng tukso ng mga kaklase natin. Syempre todo tanggi naman tayong dalawa. Kasi totoo naman, ‘di ba? Magkaibigan tayo. No more, no less. At doon ko na napansin na parang may mali. Na parang may iba.

Isang araw bago matapos ang sembreak. Isa siguro ang araw na ‘to sa mga masasakit na araw sa buong buhay ko. Naghiwalay ang mga magulang ko. Hindi na raw nila mahal ang isa’t-isa. Naisip ko, ganun na lang ba ‘yon kadali? Dahil ba sa wala na silang nararamdamang pagmamahal, susuko na agad sila? Hindi na nila aayusin? Ganun ba talaga kapag nagmamahal? Hindi ko maintindihan kung bakit. Wala akong maintindihan noong mga panahong ‘yun. Basta ‘yun lang ang sabi nila. Na kailangan ko raw pumili kung kanino ako sasama. Ang hirap. Parehas ko silang magulang at parehas ko silang mahal. Iyak ako ng iyak nun. Biglaan kasi. Parang isang araw nagising na lang ako na hindi na mahal ng magulang ko ang isa’t-isa. Na sa isang iglap lang, sira na ‘yung pamilya ko. Tinatangka nila akong kausapin pero ayoko. Hindi ako lumalabas ng kwarto ko. Wala akong kinakausap. Hanggang sa dumating ka at pumasok sa kwarto ko. Nang makita kita, niyakap kita agad. Hindi ko alam kung bakit. Pakiramdam ko kasi, ikaw na lang ‘yung totoo. Iyak ako ng iyak sa’yo at nagpapasalamat ako dahil hindi mo ‘ko sinasabihan ng mga salitang makakapagpagaan ng loob ko. Siguro kasi alam mong wala ring epekto ‘yun. Kinwento ko sa’yo ang buong nangyari at tahimik ka lang habang nagsasalita ako. Nang matapos akong magkwento, nginitian mo ‘ko at saka ka nagpasalamat dahil sinabi ko ang mga hinanakit ko. Hiniling mo na sana ngumiti ako para sa’yo at sakin kasi ayaw mo ‘kong nakikitang malungkot.

In that moment, alam ko na kung saan papunta ‘to.

A month after that, nagdesisyon akong sumama kay mama. It was December. Paskong-pasko pero hindi buo ang pamilya ko. Syempre, malungkot ako. Pero wala naman akong magagawa. Kaya instead na magmukmok at umiyak, nagdesisyon na lang akong maging masaya. Isa pa, alam kong papagalitan mo ‘ko kapag nalaman mong nagpapaka-lugmok ako sa mga problema ko.

Just so you know, in love na ‘ko sa’yo sa mga panahong ‘to. Cliche, right? A girl who fell in love with her bestfriend. Sobrang mainstream. Nakakainis na. Pero pakialam ba nila? Hindi naman sila ang nahulog. Hindi naman sila ang nagri-risk. Hindi naman sila ‘yung mawawalan ng kaibigan. Hindi sila ‘yung magpapaka-tanga. Hindi sila ‘yung mahihirapan. Hindi sila ‘yung masasaktan sa pesteng one-sided love na ‘to. Ako. Hindi sila.

At dahil cliche nga ang buhay ko, nagdesisyon akong umamin sa’yo. Bakit? Kasi alam kong ire-reject mo ‘ko. Alam ko naman ‘yun kaya bakit ko pa patatagalin? Isa pa, gusto kong isabay ang pagmo-move on ko sa’yo kasabay ng New Year. Bakit? Kasi trip ko. Alam kong pinagtatawanan mo ‘ko habang binabasa mo ‘to pero wala kang pakialam dahil nakikibasa ka lang. Sulat ko ‘to para sa’yo. ‘Wag ka mang-basag ng trip.

December 26. Ang araw na umamin ako sa’yo. Para akong tanga, alam mo ba ‘yun? Ay hindi pala. Ikaw ang tanga kasi sa hinaba-haba ng confession ko sa’yo, “Ha?” lang ang isasagot mo? Bastos ka rin, e ‘no? At dahil sa sobrang inis ko sa’yo, nag-walk-out ako. Nakakainis ka kasi. Alam mo ba kung ilang araw akong nag-ipon ng lakas ng loob para sabihin sa’yo ‘yung nararamdaman ko tapos ‘yun lang isasagot mo?

Inaaway na yata kita? Love letter dapat ‘to, e. Pero yaan mo na. Epekto ‘to nang maalala ko ‘yung araw na umamin ako sa’yo.

Anyway, eto na. Kiligin ka sana, ha? Nakabawi ka naman agad kasi hinabol mo ‘ko at sinabi mo sakin ‘yung nararamdaman mo. Na gusto mo rin ako higit pa sa kaibigan. Na gusto mo rin ako katulad ng pagkagusto ako sa’yo. Sobrang saya ko nun, alam mo ba? Akala ko kasi mawawala ka na sakin. Akala ko na sa oras na umamin ako, iiwasan mo ‘ko. Akala ko lang pala ‘yun.

Ganun ba ‘ko ka-manhid, Adrian? Ni hindi ko man lang napansin na may gusto ka rin pala sakin. Pasensya na, ha? Slow kasi ako. Pati rin pala ikaw nahirapan din. Kaya sorry kung nasaktan kita. Sadya man o hindi, sorry pa rin. Sorry rin kung umamin ako sa’yo pero hindi ako pumayag na maging tayo. Masyado kasing mabilis, e. Kaya pasensya na. Sabi ko, kung hindi okay sa’yo, maiintindihan ko. Maiintindihan ko kung susuko ka na. Pero binigla mo na naman ako sa mga kilos mo. Sabi mo, willing kang maghintay. Willing kang hintayin ako at ligawan ako. Kahit gaano pa katagal. Hindi ko alam kung matutuwa o malukungkot ako, e. Matutuwa dahil handa kang hintayin ako o malulungkot dahil handa mong ibigay ang oras at atensyon mo sakin imbis na nasa ibang babae na handang makipag-relasyon sa’yo.

Hindi ako magpapaka-iprokita para sabihing ayokong maging tayo. Gusto kong maging tayo, Adrian. Gustong-gusto ko. Kaya lang hindi ko alam kung kaya ko. Hindi ko alam kung kaya kong panindigan ‘to. Hindi ko alam kung handa na ‘ko sa mga emosyon na posible kong maramdaman. Hindi ko alam kung mature na ‘ko para mag-handle ng relationship.

Alam kong may karapatan kang malaman ang mga naiisip ko kaya sinabi ko ‘to sa’yo. Gusto kong malaman mo kung bakit hindi pa ‘ko handa. Ayoko kasing paasahin ka sa wala. Ayokong hayaan kang ligawan ako kung hindi naman pala kita sasagutin. At alam mo ba, nagulat na naman ako sa sinabi mo. Kahit na ilang buwan na tayong magkakilala, may ugali ka pa ring ipinapakita na hindi ko inaasahan. Sabi mo, naiintindihan mo ‘ko. Na sana hayaan kitang ligawan ako kasi seryoso ka sakin. Na maghihintay ka hanggang sa maging handa ako.

Naisip ko, ang swerte ko naman sa’yo. Sa dinami-dami ng babaeng posible mong magustuhan, sakin ka nagkagusto. May maganda siguro akong nagawa noong past life ko to deserve someone like you. But as much as I want to be with you, hindi ko magawa. Pinapangunahan ako ng takot. Takot na baka biglang mawala ka rin sakin. And you know what? Inintindi mo ‘ko. Instead na mainis ka sakin, inintindi mo ‘ko. Hindi ko itatanggi na masaya ako dahil sa sinabi mo. Pakiramdam ko kasi napaka-special ko sa’yo.

After that, sinimulan mo ‘kong ligawan. Lagi mo ‘kong sinasabayan papunta sa school at pauwi sa bahay. Halos everyday mo pa nga akong pinapadalhan ng bulaklak, e. Kung hindi bulaklak, pagkain. Wala, e. Matakaw ‘tong nililigawan mo. Lagi mo rin akong pinapadalhan ng mga sulat na lagi ring nakakapagpangiti sakin. Kahit maiikli lang ang laman ng mga sulat na ‘yon, ramdam na ramdam kong gusto mo ‘ko. I’ve never felt this happy before. You made me believe in love again. Naisip ko, meron pa palang taong handang mahalin ako. Deserve ko rin pala. Sobrang saya ko. At dahil sa’yo ‘yun.

Alam mo kung gaano ako katakot magmahal dahil sa nangyari sa magulang ko. Still, hindi mo ‘ko iniwan. Lagi kang nasa tabi ko. Siguro maaga pa para sabihin ko ‘to pero pakiramdam ko hindi ko alam ang gagawin ko kung mawala ka sakin. Kaya lang parang naguguluhan ako, e. Kaya hindi kita magawang sagutin. Gusto kong malaman kung gusto talaga kita o baka kailangan lang kita kaya ayokong mawala ka. Ayokong mag-doubt ka sa sarili mo. Kaya kailangan kong malaman kung ano talaga ‘tong nararamdaman ko para sa’yo.

Sorry ah? Kung nahihirapan o naiinip ka nang dahil sakin. Ang selfish ko siguro, ‘no? Ayaw kasi kitang mawala, e. Pero pwede naman siguro akong maging selfish, ‘di ba? Kahit ngayon lang. Kahit sa’yo lang. Hindi ko alam kung naiinis ka o nagagalit ka habang binabasa mo ‘to kaya sana patawarin mo ‘ko. Sorry talaga. Alam kong hindi biro ang ginagawa mo. ‘Yung maghihintay ka sa isang taong hindi mo alam kung mapupunta sa’yo sa huli. Love letter ‘to pero ang drama ko. Siguro naiirita ka na kasi puro ako sorry ‘no? Sige, ganito na lang.

I love you. I love you, Adrian. ‘Wag ka mag-alala dahil sasabihin ko rin ‘yan sa’yo ng personal sa tamang panahon. Hinding-hindi ako magsasawang ulit-ulitin ‘yan sa’yo. Mahal kita. Hindi makukumpleto ang araw ko kung wala ka. Salamat dahil nandyan ka sa tabi ko. Binigyan mo ng ibang kahulugan ang buhay ko. Kung hindi ka dumating, malamang ako pa rin ‘yung masungit, laging nakasimangot at tahimik na Andrea. Pero mula nang dumating ka, nakakangiti na ‘ko. ‘Yung totoong ngiti . ‘Yung ngiti na dahilan ng pagiging masaya. Kaya ko na rin maging madaldal at sabihin ang mga nasa isip ko. Hindi katulad dati na lahat ng bagay sinasarili ko lang. Dahil sa’yo natutunan kong ipakita sa iba ang nararamdaman ko. Na hindi ‘yun kahinaan. Na ayos lang umiyak kapag nasasaktan. Kulang ang sulat na ‘to para ipaalam sa’yo kung gaano ako ka-thankful na dumating ka sa buhay ko.

Sana hindi pa huli ang lahat. Sana magawa mo pa ‘kong hintayin. Sana hindi ka sumuko agad. I know I’m being selfish but I won’t say sorry for that. Gusto kong malaman mong masaya ako na naging kaibigan kita. At sa tingin ko, mas magiging masaya ako kapag naging tayong dalawa na. I love you, Adrian.

Yours,

Andrea

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s