Short Stories · Unsent Letters (Her)

Second

Dear Adrian,

Kamusta ka na? Sorry ah? Idinadaan ko na naman sa sulat ang mga gusto kong sabihin sa’yo. Hindi ko kasi magawang sabihin ng personal, e. Natatakot ako. Sorry kung hindi ko na masyadong nabibigyan ng oras ‘yung relasyon natin. Naging busy kasi ako sa trabaho. Pero ‘wag ka mag-alala. Babawi ako sa’yo.

Gusto ko rin na magpasalamat sa’yo para sa lahat-lahat ng ginawa mo para sakin. Naaalala mo pa ba noong nagsisimula palang ang relasyon nating dalawa? Parang araw-araw akong nasa isang fairy tale. Laging may happy ending. Kung saan ako ‘yung prinsesa at ikaw ‘yung prinsipe. Cheesy mang pakinggan pero ‘yun ang pakiramdam ko. Araw-araw palagi akong masaya lalo na kapag kasama kita. Wala na ‘kong ibang mahihiling pa. Napaka-swerte ko at ikaw ang boyfriend ko.

Syempre, hindi rin maiiwasan ang mga away at tampuhan nating dalawa. Pero, alam mo ba? Sa bawat problema na dumarating satin, mas lalong lumalalim ang nararamdaman ko para sa’yo. Mas lalo kitang minamahal. Parang araw-araw, paulit-ulit akong nahuhulog sa’yo. Lakas ng epekto mo sakin, e. Pero ayos lang. Kung sa’yo naman ako mahuhulog, kahit ilang beses pa, ayos lang.

Naisip ko nga, hindi sapat ang mga salitang “mahal kita” para maparamdam ko sa’yo kung gaano kita kamahal. Sa mga panahong lumipas, mas lalo kong napatunayan na mahal kita. Na mahal mo rin ako. Hindi ko alam kung anong ginawa ko para maging deserving sa pagmamahal mo. Mabait ka, maalaga, gentleman, gwapo, marunong maki-sama. Total opposite ko. Himala pa nga yata at nagkagusto ka sa isang tulad ko. Papaniwalaan ko na ba ‘yung kasabihan na, “opposite attracts?” Ano kayang nagustuhan mo sakin? Kung iisipin, kahit minsan hindi ko ‘yan natanong sa’yo. Ni hindi mo rin nabanggit sakin. Pero hindi naman na siguro ‘yun mahalaga. Mahal kita. Mahal mo ako. Ayun ang mas importante. Isa pa, kapag nagmamahal ka, wala naman talagang rason kung bakit, ‘di ba? Basta naramdaman mo lang. Kasi kapag nawala ‘yung rason na ‘yun, parang hindi mo na rin siya minahal.

Thank you, Adrian. Hindi ako magsasawang magpasalamat sa’yo kasi kung hindi dahil sa’yo, hindi ko magagawang maging ganito kasaya. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Masaya rin naman ako bago ka dumating sa buhay ko. Pero ngayon, mas lalo akong naging masaya. Thank you sa pagpapasensya at pag-intindi mo sakin. Kahit na minsan nagiging unreasonable ako, iniintindi mo ‘ko. Hindi mo ‘ko sinusukuan. Kahit na parang ang hirap-hirap ko nang mahalin, minamahal mo pa rin ako.

Ayan, ang corny ko na. Hinawaan mo kasi ako. Pero, thank you talaga ah? Sa lahat-lahat. Sorry rin kung may mga pagkakataon na nagpapadala ako sa selos at galit ko. Nasasabihan tuloy kita nang masasakit na salita. Naalala mo noong nagselos ako sa isang babae na pinsan mo pala? Mukha akong tanga nun, ‘no? Tinawanan mo nga lang ako, e. Minsan talaga nauuna ang inis ko kaya ako ganun. Pasensya na, ha? Mahal lang kita at ayokong mawala ka sakin kaya ganito ka-possessive ang girlfriend mo sa’yo.

Alam mo bang sobrang saya ko nang ipakilala mo ‘ko sa mga magulang mo. Pakiramdam ko, parte na talaga ako ng buhay mo. Na parang sigurado ka na sakin. Napaka-special ko siguro kaya nagawa mo ‘kong ipakilala sa mga mahahalagang tao sa buhay mo. Kinakabahan pa nga ako nun, e. Pero sinabi mo na sigurado kang magugustuhan nila ako. At kung sakaling hindi, sinabi mo na wala silang magagawa dahil ako ang mahal mo at kailangan na lang nilang tanggapin ‘yun. Sobrang saya ko nun kasi handa mong ipaglaban ang relasyon natin. Buti na lang, nagustuhan nila ako para sa’yo. Tinatawag na nga nila akong manugang. Nang mga panahong ‘yun, parang nagkaroon ako ng pangalawang pamilya. At dahil sa’yo ‘yun.

Naisip mo na ba, Adrian? Kung sinong gusto mong makasama hanggang sa pagtanda? Sa totoo lang, ayokong mag-assume na ako ‘yung tinutukoy mo sa tuwing pinag-uusapan natin ang future. Ayokong kumapit sa mga pangakong ‘yun kasi baka hindi naman tayo ‘yung para sa isa’t-isa. Ayokong ibigay ang buong ako kung hindi ako sigurado na ikaw ang makakasama ko hanggang sa pagtanda. Siguro naiinis ka na sa mga sinasabi ko ‘no? Sorry, Adrian. Hindi naman sa pinag-dududahan ko ‘yung pagmamahal mo para sakin. Kaya lang wala, e. Talagang matatakutin ang girlfriend mo. Takot na baka magising ka isang araw tapos mare-realize mo na hindi mo na ako mahal. Na iiwanan mo din ako. Sobrang mahalaga ka na kasi sakin, e. Kaya ayokong mawala ka. Pero kahit na marami akong kinakatakutan, maniniwala pa rin ako sa’yo. Maniniwala ako satin. Ngayon pa ba ‘ko mag-iisip ng ganito? Kung kailan sigurado na ‘ko sa’yo?

Ikaw ang una kong gustong makita sa tuwing gigising ako sa umaga. Ikaw ang gusto kong huling makita bago matulog sa gabi. Ikaw lang ang gusto kong makasama hanggang sa tumanda tayong dalawa. Magagawa mo pa ba ‘kong hintayin? Though hindi ko alam kung may karapatan akong hilingin sa’yo ‘yun ngayon. But you know what? Hindi ko na magawang makita ang sarili ko na wala ka. Ako, sigurado na ‘ko sa’yo. At sana, ganun ka rin sakin.

Alam mo, hindi ko inakala na may mamahalin ako ng ganito. ‘Yung bang handa kang ibigay lahat, ‘wag lang siyang mawala? Nakaka-overwhelm pala. Akala ko wala nang magmamahal sakin. Pero dumating ka at pinatunayang mali ako. Minahal mo ‘ko at patuloy na minamahal. Sino ba ako para tumanggi sa pagmamahal na binibigay mo? Kung tutuusin, napaka-swerte ko at sakin ka nagkagusto. Alam mo naman ‘yung nangyari sa mga magulang ko, ‘di ba? Dahil doon, mas lalo akong hindi naniwala sa love na ‘yan. Na puro sakit lang ang dala niyan. Na iiwan ka din, pagsasawaan, lolokohin. Na para sa mahihina lang ang pag-ibig. Sa mga taong takot mag-isa. Kaya thank you. Sa apat at kalahating taon nating naging magkasama. Sa pag-aalaga, pagpapasensya, pag-iintindi, sa pagdating mo sa buhay ko. Thank you. I won’t ask for anything anymore. Except for one thing. I want us to be together and I want to spend my everyday with you.

Yours,

Andrea

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s