Short Stories · Unsent Letters (Her)

Third

Dear Adrian,

Kamusta ka na? Kumakain ka ba ng maayos? ‘Wag kang magpapalipas ng gutom, ha? Alagaan mo sarili mo. Wala na ‘ko dyan sa tabi mo kaya hindi kita maaalagaan. Mag-iingat ka palagi. Kapag pagod ka na sa trabaho, ‘wag mong kalimutang mag-pahinga. Nagiging nagger na naman ako, ‘no? Pasensya na. Nag-aalala lang ako sa’yo. Pero sa tingin ko, wala naman na yata akong karapatang sabihan ka ng mga ganitong bagay?

Kasi hindi mo naman ako girlfriend.

Tinanong kita dati, natatandaan mo pa ba? Tinanong kita kung anong problema. Pero sabi mo, wala. Hindi ako tanga, Adrian. Siguro manhid ako pero hindi ako tanga para hindi malaman na may problema tayo. Kaya tinanong ulit kita. Tapos ang sabi mo, may iba na. Natawa na lang ako nun. Alam na alam ko na may posibilidad na humantong sa ganito ang lahat. Pero ano? Hindi pa rin ako naka-ilag sa sakit na dala mo. Alam kong simula nang mahalin kita, binigyan na rin kita ng karapatang saktan ako. Pero hindi ko naman inakala na magiging ganito kasakit. Sana binalaan mo ‘ko. Hindi ‘yung biglaan para mahanda ko ‘yung sarili ko. Hindi ‘yung kumapit ka sakin sabay bitaw. Tinanong kita kung bakit. Hindi ka sumagot. Ilang minuto yata tayong natahimik nun. Hanggang sa tumayo ka, nagsabi ng sorry at saka umalis. At ‘yun na rin ang huling pagkikita nating dalawa.

Mukha akong tanga kakaiyak nun. Hindi ko matanggap. Ayokong tanggapin. Kasi umaasa pa rin ako na babalik ka. Noong mga oras na magkausap tayo noong araw na ‘yun, paulit-ulit kong hinihiling na sana biro lang ang lahat ng sinasabi mo. Na sana panaginip ang lahat. Na sana magising na ‘ko sa bangungot na ‘yon. Na babalik ka sakin tapos sasabihin mong mahal mo ako at hindi mo ‘ko iiwan. Pero sino nga bang niloloko ko? Alam kong hindi na ‘yun mangyayari kahit kailan. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang rason mo. Sana sinabihan mo ‘ko kung iiwan mo rin pala ako. Umasa ako, Adrian. Pero mali ako. Mali na naman. Nakakasawa. Nakakapagod. Nakakatanga. Nakakagago. Alam mo bang sabi ko pa sa sarili noon, tatanggapin ulit kita? Tanga ko ‘no? Wala, e. Mahal kita. Mahal pa rin kitang gago ka. Paulit-ulit kong tinatanong kung bakit pero kahit anong gawin ko, wala akong makuhang sagot.

Minahal kita. Iniwan mo ‘ko.

Pesteng pagmamahal na ‘to. Kahit anong gawin ko, hindi pa rin kita makalimutan. Hindi ko pa rin malimutan ‘tong bwisit na nararamdaman ko para sa’yo. Nakakainis na, alam mo ba ‘yon? Gusto na kitang makalimutan pero alam ko sa sarili ko na hindi ‘yun mangyayari. Ang sakit kasi. Doble ang sakit na nararamdaman ko kaysa noong naghiwalay ang mga magulang ko. Araw-araw palagi kitang naiisip. Ano bang ginawa mo sakin, ha? Magkaka-award na yata ako sa pagiging martyr at tanga ko sa’yo. Sa totoo lang, hindi ako makapaniwala na nagpapaka-tanga ako sa ganitong bagay. Ako ba talaga ‘to? Hindi naman ako ganito dati, e. Pero mula nang iwanan mo ‘ko, wala na. Sira na ‘ko. Sa’yo umikot mundo ko. Parang sa bawat bagay na nakikita ko, naaalala kita. Nakaka-bwisit na, sa totoo lang. Para kang patay na paulit-ulit akong minumulto.

Alam kong hindi pwedeng maging ganito na lang ako habang buhay. Hindi pwedeng magpakalugmok ako dahil lang sa iniwan at sinaktan mo ‘ko. Hindi pwedeng sa’yo lang umikot ang mundo ko. Hindi pwede na sa’yo lang naka-depende kung magiging masaya ba ‘ko o hindi. Isa pa, hindi mo naman kasalanan lahat, e. Hindi kita masisisi kung nagsawa at napagod ka na sakin. Alam kong may mali rin ako. At kailangan ko ‘yun tanggapin. Tatanggapin ko ang sakit. Tatanggapin ko ang totoo. Ayokong mabuhay lang sa nakaraan. Kaya gagawin ko ang makakaya ko para maging masaya. Hindi para sa’yo kung hindi para sakin.

Kaya naman, I tried moving on. Hindi dahil sa hindi na kita mahal. Kung hindi dahil gusto kong maging masaya kahit hindi kita kasama. Nag-focus ako sa ibang bagay. Sa trabaho, sa kaibigan, sa pamilya. At nalaman kong okay rin pala. Kaya ko rin pala maging masaya nang wala ka. Kahit hindi katulad ng saya na binibigay mo, at least masaya pa rin ako. Masyado talaga yata kitang mahal kaya kahit ibang bagay hindi ko na napapansin. Noong mga panahong ‘yun, naisip ko na naka-move on na ‘ko sa’yo. Halos dalawang taon na rin simula nang magka-hiwalay tayo. Aaminin ko, may mga pagkakataon na naiisip ko na paano kung tayo pa rin? Paano kung magkita tayo? Hindi ko itatanggi na nasasaktan pa rin ako. Masakit, oo. Pero hindi na katulad ng dati ‘yung sakit. Hindi na rin ako umiiyak. Galing ko, ‘di ba? Nakayanan ko kahit wala ka.

Pero for the nth time, mali na naman ako.

Four years after nating mag-hiwalay, nakita kita sa isang restaurant. Noong una, nag-aalangan pa ‘ko kung lalapitan pa ba kita o hindi. Hindi ko kasi alam kung anong sasabihin ko sa’yo. Kaya sinubukan kong lumapit sa’yo. Pero palapit palang ako, nagsisi na agad ako sa naging desisyon ko. Nakita kita. At may kasama kang iba. Nakangiti ka habang kausap mo siya. Ang saya-saya mong tignan. Agad akong tumalikod at umalis dahil natatakot akong baka makita mo ‘ko. Ayokong nakikita mo ‘kong nagiging mahina at umiiyak. Pero sa totoo lang, gustong-gusto kitang lapitan at kausapin. Gusto kitang tanungin kung siya ba? Siya ba ‘yung pumalit sakin? Siya na ba ‘yung nakakapagpasaya sa’yo? Gusto ko ring tanungin ka kung ano nga bang nangyari satin. Kasi hanggang ngayon, makalipas ang apat na taon, paulit-paulit ko pa ring tinatanong sa sarili ko kung bakit tayo naghiwalay. Kung may nagawa ba ‘kong may mali, kung may ugali ba ‘ko na ayaw mo. Kaya lang, natatakot ako. Natatakot ako sa mga sasabihin mo. Baka sabihin mo na napaka-desperada ko na naghahabol sa’yo. Pero masisisi mo ba ‘ko? Lalo na kung iniwan mo na lang ako basta sa ere nang walang kahit anong rason? Kung ipinaramdam mo sakin na mahal mo ‘ko tapos biglang babawiin mo? Noong oras na nakita kita ulit, parang biglang bumalik lahat. Lahat ng saya na naramdaman ko noong magkasama tayo pati ‘yung sakit at pangungulila noong hiniwalayan mo ‘ko.

Bakit nga ba, Adrian? Ano bang nangyari satin? Akala ko nakapag-move on na ‘ko. Akala ko okay na. Akala ko kaya ko na. Hindi pa pala. Ilang ulit na nga akong nasasabihang tanga ng mga kaibigan ko, e. Ganun na nga yata talaga ako ka-tanga sa’yo. Isang kita ko lang sa’yo, ganito na agad ang epekto mo. Ngayon, magsisimula na naman ako sa umpisa.

Bakit pa kaya tayo nagmamahal? Kung masasaktan rin pala tayo sa huli. Paaasahin ka, pagsasawaan, lolokohin, iiwanan. Pero kung tutuusin, masaya ang pakiramdam kapag nagmamahal. Para akong laging nasa ulap. Parang may kung anong hayop ang nagwawala sa tiyan ko tuwing kasama kita. Kakambal na nga talaga yata nang pagmamahal ang sakit kasi hindi mo rin naman malalaman na nasasaktan ka kung hindi ka nagmamahal, ‘di ba?

Kaya Adrian. Mahal kita. Mahal na mahal pa rin kita. Pakiramdam ko mababaliw na ‘ko kakaisip sa’yo. Hindi ba pwedeng tayo na lang ulit? Hindi ba pwedeng akin ka na lang ulit? Hindi ko na alam gagawin ko kapag wala ka. Sa’yo ko lang naramdaman ang ganito. Wala na ‘kong pakialam kung niloko mo ‘ko. Wala na ‘kong pakialam sa sakit na binigay mo sakin noon. Ang mahalaga ‘yung ngayon. Tayong dalawa. Tatanggapin ulit kita. Mas masaya kasi ako kapag kasama kita, e. Parang ikaw na ‘yung bumubuo ng kalahati ng pagkatao ko. Sabi mo dati, mamahalin mo ‘ko hanggang sa pagtanda. Sabi mo, ako lang ang gusto mong makasama. Pero ano? Ano nang nangyari sa mga pangako mo? Ganun na lang ba ‘yon kadali? Wala na agad? Adrian, hindi mo na ba talaga ako mahal? Kahit konti lang? Wala na ba talaga?

I’m not blaming you for letting me go. Kaya lang, nakakainis kasi parang ang dali lang sa’yong makapag-move on. Samantalang ako, nandito pa rin. Still stuck with my past. With you. Naisip ko, nakalimutan mo na kaya ako? Sana naman hindi. Ayokong mangyari ‘yun. Sana kahit papaano, may posisyon pa rin ako dyan sa puso mo, kahit maliit lang. Sapat na sakin ‘yun. Pero aasa na naman ba ‘ko? Ayoko na. Kaya this time, magmo-move on na ‘ko sa’yo. For real.

Sinubukan kong makipag-date sa ibang lalaki. Kung dati, hindi ko ine-entertain ‘yung mga lalaking nirereto ng mga kaibigan ko sakin. Pero ngayon nagagawa ko na silang pansinin. Sinusubukan kong hindi paikutin ang mundo ko sa’yo. Sinusubukan kong ituon ‘yung atensyon at oras ko sa iba. Pinipigilan ko rin ang sarili ko na ikumpara ka sa iba. Wala naman na akong mapapala, e. Walang mapapala ‘tong nararamdaman ko para sa’yo. Masaya ka na. May iba ka nang mahal. At hindi na ako ‘yun. Hindi na magiging ako. I tried dating pero wala pa rin. Hindi ko mapigilan ang ikumpara ka sa kanila. Pakiramdam ko nagiging unfair ako kaya tinigil ko rin. Saka ko na-realize na siguro kailangan kitang makausap. Siguro ‘yun ang kailangan ko para maka-move on nang tuluyan. Kailangan kong patigilin ang sarili ko sa kakaisip kung may pag-asa pa tayo. Pagod na kasi akong masaktan, e. At mawawala lang ‘yun kapag kinausap kita. Kahit sa huling pagkakataon man lang.

Kinausap ko ‘yung isang mutual friend nating dalawa. At nalaman kong sa ibang lugar ka na pala nagta-trabaho. Nabalitaan ko rin na nagtatrabaho ka na as a photographer. So I texted you na gusto ko makipagkita. Um-oo ka at sinabi ko na sa coffee shop tayo magkikita. At ang lugar na ‘yun ay ang lugar kung saan natapos ang lahat satin. Ang ironic, ‘di ba? Sa lugar na ‘yun ako nasaktan, pero doon din ako posibleng maging masaya.

Kakapasok ko palang nun sa entrance ng coffee shop nang makita kita agad. Tandang-tanda ko pa ang araw na ‘yun. Umupo ako sa harap mo at tinignan kita. Wala ka pa ring pinagbago. Gwapo ka pa rin. Mas lalo pa nga yata. Ngumiti ka at bumilis na naman ang tibok ng puso ko. Ang aliwalas mong tignan. Parang noong una kitang nakita. Siguro masaya ka na talaga kasi nagagawa mo nang ngumiti ng ganyan. Totoong-totoo. At wala akong balak na hadlangan ‘yun. Normal naman ang naging pag-uusap natin. Kamustahan, konting kwentuhan. Hanggang sa napag-usapan na natin ‘yung past. Nag-sorry ka. And I took that as a cue na kailangan ko na talagang mag-move on. Hindi na ‘ko nagtanong about sa bago mong girlfriend dahil alam kong anumang oras tutulo na naman ang luha ko kaya nagpaalam na ‘ko sa’yo. At sa oras na ‘yun, pinangako ko sa sarili ko na ‘yun na ang huling beses na iiyakan kita.

Few weeks after nating magkita, nagulat ako noong tinext mo ‘ko. Tinanong mo kung pwede tayong mag hang-out. Wala namang rason para tumanggi ako kaya pumayag ako. Noong magkasama tayo, para ngang walang nangyari, e. Parang normal lang na magkaibigan. Noong pauwi na ‘ko, tinanong mo kung pwede ba tayong maging magkaibigan. Pumayag ako. Siguro kasi alam kong hanggang dito na nga lang talaga tayo. Isa pa, baka ‘yun na lang ang paraan para matanggap kong hindi na magiging tayo ulit. Kailangan kong sirain ang pag-asang ‘yun para mawala ang pagmamahal ko para sa’yo.

Ilang buwan na ang nakalipas nang in-offer mo sakin ang pagkakaibigan. Nakakatawa at parang bumalik lang tayo sa dati. Bago mo pa ‘ko ligawan. Parang ikaw na ulit ‘yung Adrian na bestfriend ko. Kakwentuhan, kaasaran. Lahat ng bagay nasasabi ko na ulit sa’yo at ganun ka na rin ulit sakin. Pwera lang sa isang bagay. Kahit kailan, hindi ko narinig sa’yo ang kahit anong tungkol sa girlfriend mo. Tuwing tatanungin kita, ngingiti ka lang at saka iibahin ang usapan. Naisip ko na baka ayaw mong pag-usapan. Alam mo? Natutuwa ako at naging magkaibigan ulit tayo. Bihira na lang kasi ‘yung mag-ex na nagiging magkaibigan. At sa tingin ko, unti-unti nang nawawala ang pagmamahal ko sa’yo. Kaya thank you, Adrian. For everything, for the pain and the love you gave.

Love,

Andrea

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s