Poems

Poem #26: 24 Oras Nating Dalawa

Sa loob ng isang araw

Mayroong dalawampu’t-apat na oras

At sa bawat paggalaw ng kamay sa orasan

Bawat oras, minuto at segundong lumilipas

Iba-iba ang ating naiisip

Iba-iba rin ang nararamdaman

Kung minsan masaya

Minsan malungkot

Minsan galit

At kung minsan rin naman, ay maroong kilig

Sa loob ng isang araw, iba-iba tayo ng nararamdaman at naiisip

Pero ako?

Isa lang

Sa loob ng isang araw, iisa lang ang naiisip at nararamdan ko

Ikaw

Simulan natin sa umpisa pero pasensya na. Kung magiging mahaba ang tulang ito sapagkat hindi ko alam kung ilang salita o ilang pangungusap ba ang magiging sapat para sabihin ang mga nararamdaman ko para sa’yo

Alas dose ng hatinggabi

Alam mo, na sa ganitong oras kita palaging naalala?

Kasi sa mga sandaling ito kita unang nakilala

Isang titig, isang ngiti na nakapagsabi agad sakin na, “Baka ikaw na”

“Baka ikaw na yung matagal kong hinihintay na sana”

Ala una ng madaling araw

Naalala mo ba na sa mga oras na ‘to kita unang hinatid sa bahay niyo?

Naglalakad tayong dalawa habang paulit-ulit na kumakabog ang dibdib ko dahil sa kabang nararamdaman ko

Hindi ko alam kung kinikilig ba ako o sadya lamang nahihiya

Pero sana balang araw, maihahatid pa rin kita. Hindi sa bahay niyo. Kung hindi sa bahay nating dalawa

Alas dos ng madaling araw

Masasabi kong ito ang isa sa mga sandaling hindi ko malilimutan kahit kailan

Sapagkat sa mga oras na ‘to unang nagtagpo ang mga labi nating dalawa sa ilalim ng ulan
Kahit nakakailang, kahit nakakakaba

Sana maulit pa

Alas tres ng madaling araw

Hindi ko alam kung paano ko mailalarawan ang saya ko

Sapagkat alas tres ng madaling araw noon, nang makuha ko ang matamis mong, “Oo”

Hindi ako gagawa ng kahit anong pangako o magsasabi ng kung ano-anong mabubulaklak na salita

Dahil iisa lang ang gusto ko. At ‘yun ay ang makasama ka hanggang sa pagtanda

Alas kwatro ng madaling araw

Nang managinip ako tungkol sa’yo

Kung saan naglalakad ka papunta sa akin habang nakasuot ng traje de boda at puting belo
Pero bakit ako magtya-tyaga sa isang panaginip?

Kung sa paggising ko sa umaga ay makikita kitang nasa tabi ko habang nakayakap

Alas singko ng madaling araw

Nagising ako at agad akong napangiti nang makita ko ang iyong mala-anghel na mukha

Mukha na ni minsa’y hinding-hindi ko ipagpapalit para sa iba

Dahil mahal kita kahit sa mga sandaling hindi ka perpekto, tanggap kita

Mahal kita at mamahalin pa rin kita

Alas sais ng umaga

Nang marinig ko ang boses mo habang ginigising ako

Hindi ako kaagad bumabangon dahil gustong-gusto ko na kinukulit mo ‘ko

Tapos sasabayan mo ng halik, ng yakap

Mistulang nakasakay ako sa isang ulap

Alas syete ng umaga

Magkasabay tayong kakain ng niluto mong almusal

Titimplahan mo ‘ko ng kape at lalagyan ko ito ng konting asukal

Sapagkat sapat na ang tamis na iyong binibigay

Para mapunan ang pait na dinaranas ko sa buhay

Alas otso ng umaga

Magsasabi tayo ng mga salitang, “Mahal kita” sa iba’t-ibang lenggwahe

“Mahal kita”

“I love you”

Iba-ibang lenggwahe. Iisa ang kahulugan. Mahal kita

Alas nuwebe ng umaga

Sasakay tayo ng jeep papasok sa trabaho

Magkukwentuhan at magbibiruan tayo

Hanggang sa tumugtog sa radyo ang kanta natin at hahawakan ko ang kamay mo

Maaaring bitawan ko ito pagbaba ng jeep. Pero hinding-hindi ko bibitawan ang puso mo

Alas diyes ng umaga

Pupuntahan kita sa opisina mo

Habang dala ang paborito mong ulam na adobo

Makakalimutin ka kasi. Ano kayang gagawin mo kapag wala ako?

Pero kung sabagay. Hindi ko rin alam ang gagawin ko kapag wala ka sa tabi ko

Alas onse ng umaga

Habang nagtatrabaho ako sa opisina

Tutunog ang cellphone ko at makikita ko ang message mo

Nakalagay doon ang litrato mo at ang mga salitang, “Mahal kita”

At muli, nahulog ulit ako sa’yo. Paulit-ulit. Walang sawa

Alas dose ng tanghali

Tumawag ka sakin sa pamamagitan ng video call

Magkasabay tayong kumain ng pananghalian

Kaya kahit nasa malayo ka

Para na ring nasa tabi kita

Ala una ng hapon

Naalala mo ba noong nagbakasyon tayo sa tabing-dagat?

Magkahawak ang ating mga kamay at nakasandal ka sa aking balikat

At muli nating pag-uusapan ang ating mga nais marating

Kasabay ng iyong pagyakap at paglambing

Alas dos ng hapon

Tuwing linggo manonood tayo ng kung ano-anong pelikula

Gusto mo ‘yung tungkol sa pag-ibig na istorya pero gusto ko yung nakakatawa

Kung papipiliin ako, pipiliin ko ‘yung gusto mo

Sapagkat gusto ko kung ano ‘yung magpapasaya sa’yo

Alas tres ng hapon

Sa mga oras na ‘to natin madalas pag-usapan ang mga gusto nating gawin

Kung saang bansa natin gustong pumunta

Kung anong pangalan ng mga magiging anak natin

Pero isa lang ang sigurado ko. Ang makabuo ng pamilya kasama ka

Alas kwatro ng hapon

Noong nagkatotoo ang naging panaginip ko

Naglalakad ka papunta sakin habang nakasuot ng traje de boda at puting belo

Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko

Dahil sa wakas, iyo na rin ang apelyido ko

Alas singko ng hapon

Nang pinuntahan kita sa bahay niyo noon nang malungkot

Sa’yo ako pumunta dahil ikaw lang ang tangi kong gamot

Dahil ikaw lang ang nakakapagpaalis ng sakit na nararamdaman ko

Dahil ikaw lang ang nakakapagbigay sakin ng lakas sa tuwing malapit na ‘kong sumuko

Alas sais ng gabi

Noong kasama natin ang pamilya ko na mag-hapunan

Kaagad ka nilang nagustuhan. Sino ba namang tao ang hindi ka magugustuhan?

Isa pa, kung sakaling hindi ka man nila magugustuhan

Wala silang magagawa. Kasi mahal kita

Alas syete ng gabi

Sa mga oras na ‘to magsisimula tayong mag-away

Pag-aawayan natin ‘yung palabas sa tv, ‘yung dami ng pinamimili mo, ‘yung mga gawain sa bahay

Pero normal lang naman sa isang mag-asawa ang mag-away, hindi ba?

Basta sa huli, mahal pa rin natin ang isa’t-isa at walang bumibitaw sa ating dalawa

Alas otso ng gabi

Dito na nangyayari ‘yung mga seryosong away

Magsisimula akong sumigaw, ikaw naman magtataray

Walang aamin kung sino ang may kasalanan

Pero sa kabila ng lahat ng ito, sigurado ako na hindi mo ‘ko iiwan. Hindi kita iiwan

Alas nuwebe ng gabi

Magkakaayos tayo

Yayakapin kita at hihingi ng tawad sa pagkakamaling nagawa ko

Habang dumadaloy luha mula sa iyong mata

Hindi dahil sa lungkot. Kung hindi dali sa saya

Alas diyes ng gabi

Bago matulog, binasa ko ang sulat na binigay mo noon

Pagkabasa ko, kaagad akong napangiti dahil eto tayo ngayon

Nagmamahalan bilang mag-asawa

Buong pusong nagtitiwala

Alas onse ng gabi

Malapit nang matapos ang araw na ito

Pero hindi ang ating kwento

Dahil sa bawat araw, oras, minuto at segundo nating dalawa, magkalapit man tayo o hindi

Mamahalin pa rin kita mula sa simula hanggang sa huli

At ngayon, sa wakas

Hindi na, “Baka ikaw na”

Dahil, “Ikaw nga”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s